hindi kaya't masikip
kung ako'y isisilid
sa rehas na ubod
ng kalawang? at doon
gugulin ang mga araw,
magbibilang ng hibla
ng buhok na di humahaba,
pumuti na at naging uban
ngunit hindi humahaba.
nananatiling bilanggo
at hindi humahaba.
hindi kaya't mahirap
kung ako'y igagapos
ng kadenang mabigat
abot-abot hanggang lupa
iginagapang ang paglakad
marating lamang ang siyudad
at doo'y ibilad sa madla
at ipagtabuyang diwa?
gaano ba kahirap
sa isang manunula, manunulat
mapagkaitan ng kalayaang
lumathala't maghayag
bugso ng damdamin, katas ng isipan
iba ang isinasadiwa
iba ang ginagawa
dahil sa kahirapang walang pigil sa paghampas?
gaano ba kahirap
umuwi sa tanang gutom ang kaanak
na sa ginhawa'y salat
mula sa trabahong sa sikmura'y di sapat
trabahong kumain ng oras at pangarap
at hanggang ngayon, inaagaw
yari kong kalayaan....
No comments:
Post a Comment